Bakit kaya ngayon pa nagtraffic? Sabi na nga ba. Dapat mas maaga akong umalis ng bahay. Eh di sana mas maliit ang posibilidad na ma-late ako sa klase. Shetness. First day pa naman ngayon ng second semester. Buset. Lagot ako nito. Maba-bad shot ako sa professor ko. Naniniwala pa naman ako sa kasabihan na "First impression lasts". Tumitingin ako sa relo ko ng mayroong sumakay ng jeep. Natigilan ako ng napatingin ako sa kanyang mukha. Grabe, sobrang ganda ni ate. Parang anghel na nahulog sa lupa. Parang huminto ang oras noon. Nakakatawa. Kanina lang, hinihiling ko na bumagal ang oras. Mapagbiro talaga ang langit. Sobra sobra pa ang ibinigay. Hindi lang pinabagal ang oras, pinahinto pa. Haha.
Namalayan ko na lamang na umandar na muli ang sinasakyan naming jeep. Nabuhayan ako ng loob. Baka makahabol pa ako sa una kong klase at hindi malate. Habang binabagtas ng kinalululanan naming sasakyan ang daan, hindi ko napigilang muling mapatitig ke ate. Nagulat ako. Nakatingin din siya sa akin. At ngumiti pa siya. Oh gosh! Napakaganda talaga niya. Hindi ko naiwasang gantihan ang ngiti niya. Nasa kalagitnaan na ako ng pagde-daydreaming na magsalita si manong driver. Nasa harap na pala kami ng university. Tapos na ang kakiligan ko. Mapagbiro talaga ang langit. Kinulangan naman ako ngayon. Sayang, sana pinatagal pa niya ang munting kasiyahan ko. Haha.
Hinagilap ko agad ang mahiwagang babae pagbaba na pagbaba namin ng jeep ngunit hindi ko na siya matagpuan. Nanghinayang ako. Sana man lang natanong ko ang kanyang pangalan, kung ano ang kinukuha niyang course at higit sa lahat eh ang kanyang cellphone number. Sayang talaga. Himala ang nangyari sapagkat maaga pa ako sa oras ng simula ng aking unang klase. Natuwa ako sa realisasyong iyon. Hindi na ako maba-bad shot sa professor ko. Iniisip ko pa din ang babae kanina sa jeep kaya marahan pa ang aking paglalakad. Papasok na ako sa gate ng muling matigilan. Naramdaman muli ang aking naramdaman kanina. Mapagbiro talaga ang langit. Kung kanina eh nagaalala ako, ngayon naman eh mistulang busog ako sa mga magagandang tanawin. Haha.
Nakatayo sa me gate ng unibersidad ang dahilan ng pagkatigil muli ng mundo ko. Ayun siya. Napakakisig sa suot na puting uniporme. Ang gwapo niya. Grabe. Umiral na naman ang aking kalandian. Pasensya na. Tao lang. Oo na. Hindi "normal" ang aking pagkatao. Nagets niyo na siguro. Isa akong chickboy. Pwede sa chicks, pwede sa boys. Grabe talaga siya. Para rin siyang anghel sa aking paningin tulad ni ateng nakasabay ko sa jeep kanina. Sino kaya ang hinihintay niya. Hindi ko na inalam pa. Nadala na ako sa daloy ng mga estudyanteng excited ng pumasok. Excited nga ba? Mapaglaro talaga ang langit. Binigyan niya ako ng kakaibang "talento" sa buhay: ang magkagusto sa parehong kasarian. Haha.
Hindi ako mapakali sa klase. Mabuti na lamang at pagpapakilala lamang sa sarili ang ginawa namin. Iniisip ko pa din silang dalawa. Oo, silang dalawa talaga. Ano kayang course nila? Nasaang building kaya sila? Makikita ko pa kaya sila? Sana. Wala akong ginawa sa buong maghapon kundi isipin silang dalawa. Nagtataka nga ang mga kaibigan ko kung ano bang nangyayari sa akin. Bakit daw lagi akong tulala. Bakit daw hindi ako nagsasalita. Ngumiti na lang ako. Mas inalaska tuloy nila ako. Mapaglaro talaga ang langit. Binigyan niya ko ng iba't ibang emosyon. Emosyon na nagkagulo-gulo siguro kaya ako nagkaganito. Haha.
Dumating ang oras ng uwian. Nagpaalam ako saking mga kaibigan. Dali dali akong lumabas ng kwarto. Nilakad ang daan papuntang gate ng iskwelahan. Hindi ko talaga matiis na hindi makita ni isa man sa kanila. Mabilis akong naglakad para maunahan ang mga papalabas na din ng unibersidad. Hingal na hingal na ako sa pagmamadali. Kumabog ang dibdib ko sa aking nakita. Ang isa sa mga anghel na nakita ko kaninang umaga. Napakaganda niya pa din kahit lumipas na ang maghapon. Lalapitan ko na sana siya ng bigla akong matigilan. Nakangiti siya sa aking direksyon. Lalo akong ginanahang lapitan siya. Ngunit nang mga ilang metro na lamang ako mula sa kanya eh me bumunggo sa aking likuran. Halos madapa ako sa nangyari. Marahan kong pinulot ang mga natabig sa akin. Nagulat ako ng me isang kamay na tumulong sa akin. Ang isa pang anghel na nakita ko ngayong araw. Kung se-swertihin ka nga naman oh! Mabilis ang kanyang kilos. Mistulang may hinahabol. Matapos niyang humingi ng tawad ay dire-diretsong naglakad. Nagulat ako sa mga sumunod na nangyari. Si kuya, papunta ke ate. Inakbayan ni kuya si ate. Si ate naman ay inilibot ang kamay sa beywang ni kuya. Nagtagpo ang dalawang anghel na aking kinahumalingan. Sabay nilang nilakad ang daan. Naiwan akong natigagal sa mga nangyari. Mapaglaro talaga ang langit. Wala sa hinagap na may kaugnayan ang dalawang taong kinabaliwan ko ng araw na yun. Mapaglaro nga talaga ang langit. Sobra.