Madilim ang daan na tinatahak ko pero hindi ko iyon alintana. Mabilis pa din ang lakad ko at malalaki pa din ang aking mga hakbang. Hindi ko na napigilan ng kusang umagos ang mga mainit na likido mula sa aking mga mata papunta sa aking pisngi sa hanggang mahulog na ito sa lupa. Maraming pares ng mga mata ang nakatingin sa akin ngunit hindi ko sila pinapansin. Wala akong pakeilam sa kanila. Wala akong pakeilam kung tawanan man nila ako. Masama ang loob ko. Masamang masama at walang makakapagpagaan nito sa mga oras na iyon.
Tinatanong ko ang aking sarili kung bakit nila nagawa sa akin yun. Ano bang naging kasalanan ko sa kanila para bigyan nila ako ng ganitong klaseng parusa. Masakit. Sobrang sakit ng ginawa nila sa akin. Isang klase ng pagta-traydor na kahit kelan ay hindi ko pinangarap at hindi ko inakalang gagawin sa akin. Sila pa na pinagkatiwalaan ko ng sobra sobra. Sila pa na halos pinag-alayan ko ng lahat ng aking oras at panahon. Sila pa na takot na takot akong magawan ng kasalanan. Sila pa na ni minsan ay hindi ko iwinaglit sa mga magagandang plano ko sa buhay. Sila pa na mahal na mahal ko.
Maaga kesa sa kinagawian nang umalis ako ng opisina kanina. Nais ko silang sorpresahin dahil me napakagandang nangyari sa trabaho ko. Gusto kong sabay sabay namin iyong ipagdiwang. Dumaan ako sa tindahan para bumili ng aming kakainin at iinumin habang nagseselbra. Masayang masaya akong lumabas ng tindahan bitbit ang aking mga ipinamili. Halos takbuhin ko na ang daan patungo s aming tinutuluyan. Dahan dahan pa akong pumasok sa bahay para mas maganda ang pagpresenta ng aking surpresa. Kasabay ng paghahanda ko sa pagsigaw ng "Surprise" ang dahan dahan kong pagbukas ng kurtina. Ngunit bago ko pa masambit ang kanina ko pa pinananabikang salita, tila sila pa ang naunang magbanggit sa akin noon. Hindi sa salita kung hindi sa mga mukha nilang napintahan ng hindi maipaliwanag na mga emosyon. Tila bumagal ang pag-ikot ng mundo sa aking paligid. Unti unti kong nabitawan ang aking mga dalahin. Bago pa man nila ako nalapitan ay nagtatatakbo na ako palabas.
Hindi ko alam kung san ako papunta noon. Naglakad ako ng naglakad hanggang sa mapagod. Nagpahinga, muling naglakad at muling napagod. Paulit ulit hanggang sa humantong ako sa isang bahay-inuman. Nagpakalasing ako. Medyo nahihilo na ako dahil sa ilang bote ng alkohol na ang naubos ko ngunit hindi man lamang nabawasan ng kahit na kaunti ang halo halong negatibong emosyon na bumabalot sa puso ko ng mga panahong iyon. Malalim na ang gabi nang lumabas ako. Naglakad muli ng naglakad.
Naglalakad ako sa madilim na daan nang may humawak sa aking kamay. Walang lugar ang takot sa sistema ko ng mga oras na yun. Lumingon ako at nakita ang isang batang pulubi. Nanginginig ang kanyang mga kamay sa malamang na pinaghalong gutom at lamig ng gabing iyon. Hindi ko na sana siya papansinin ng mayroon siyang inilabas sa isang bulsa. Isang papel na me guhit na puso. Nagmukhang espesyal ang hitsura ng pusong nakaguhit sa papel dahil sa mga iba't ibang kulay na nakapaloob dito. Nasa gitna ako ng pagtingin sa pusong nakaguhit sa papel ng mapagtanto ko na parang nakita ko na ang imaheng iyon. Hindi ko lang maalala kung saan at kailan. Lumambot ang puso ko sa inasal ng bata kaya't hindi ko napigilang bumunot ng ilang pirasong perang papel mula sa aking bulsa. Tuwang tuwa ang bata pagkaabot ko ng mga salapi. Nagtatatakbo siya sa gitna ng daan. Huli na ng mapansin namin ang paparating at humaharurot na sasakyan. Kahit sinong tao ay hindi makaliligtas sa ganoong klaseng trahedya. Hawak hawak ko ang nalukot na papel sa gitna ng nakakuyom kong palad habang lumuluha. Hindi ko napigilang sumigaw sa abot ng aking makakaya.
Napabalikwas ako ng bangon. Punong puno ng butil butil na pawis ang aking katawan. Mabilis ang aking paghinga. Napakabilis ng mga pangyayari. Panaginip lamang pala ang lahat. Sinubukan kong i-hinahon ang aking sarili. Ilang minuto din akong nasa gaanoong ayos ng maisipang tumayo at tignan ang orasan. Mahuhuli na pala ako sa trabaho. Dali dali akong kumilos at kumuha ng mga gamit sa paliligo. Napansin kong wala pa silang dalawa. Marahil ay papauwi pa lamang galing sa kani-kanilang pang-gabing trabaho . Papunta na sana ako ng banyo na mapatigil sa gitna ng sala.
Kumabog ng mabilis ang dibdib ko. Dahan dahang lumapit sa bagay ng nagnakaw ng aking atensyon. Rinig na rinig ko ang kaba sa aking dibdib ng makita ang naging simbulo ng aking panaginip. Katulad na katulad. Kamukhang kamukha. Yung puso na iginuhit ng musmos sa aking panaginip ay nakita ko mismo sa aking bahay. Kaya pala parang pamilyar sa akin ang bagay na iyon. Bubuksan ko na sana ang pintuan ng tokador na kinakukurbahan ng hugis na iyon ng biglang tumunog ang aking telepono. Agad ko iyong sinagot ng makitang ang aking amo ang tumatawag. Ako'y kanyang pinagmamadali. Masaya ang kanyang boses. Kinabahan ako. Tinanong ang aking sarili kung bakit ganoon ang takbo ng mga pangyayari. Nahimasmasan ako. Tinungo ang tokador na kanina ko pa nais buksan. Walang ibang laman ang kahon maliban sa isang sulat. Galing sa kanya ang sulat. Patungo sa isa pa. Nanginginig kong binuksan ang sulat at nagitla sa nabasa. Nanghina ang aking maga tuhod. Kumulog. Kumidlat. Kasabay ng pag-ulan, umagos ang aking mga luha. Naihatid sa realidad ang aking nakapanghihilakbot na panaginip. Bumukas ang pinto at nakita ko silang basang basa. Gulat din sila sa kanilang nasaksihan. Kapwa nabitawan ang mga dala dala habang papalapit sa akin. Hindi ko sila hinayaang madampian nila ako ng kanilang mga kamay. Tuloy tuloy ako sa labas. At sa gitna ng daan, nandoon ako, sumisigaw at lumuluha kasabay ng pagkulog, pagkidlat at pagbuhos ng ulan.