Powered By Blogger

Wednesday, July 20, 2011

Lies


Bughaw ang karagatan. Maliwanag ang sikat ng araw. Nakakabulag kung ito'y iyong tititigan. Maganda ang panahon. Hindi mainit, hindi maalinsangan. Hindi malamig, hindi malakas ang ihip ng hangin. Tamang tama para sa isang taong katulad ko na naghihintay sa pagdating ng kanyang mahal. Lumipas na ang ilang minuto habang hinihintay kita sa paborito nating lugar. Inaliw ko na lamang ang aking sarili sa pamamagitan ng paglalakad sa dalampasigan habang inaabangan ang iyong pagdating. Makailang beses na din akong tumingin sa orasan ngunit wala ka pa din. Kung ano anong ispekulasyon ang pumolusyon sa aking kanina'y payapang utak pero hindi ko hinayaan ang mga iyon na sirain kung anu mang tiwala para sayo ang tinataglay ko ng mga panahong iyon. Nagsimula na akong mainip at mapagod sa paghihintay pero hindi ako sumuko dahil alam kong darating ka ngunit dala na din ng kapayapaan sa aking paligid, hindi ko namalayang ako'y nakatulog.


Dala ng iyong mukha ang isang matamis na ngiti. Kitang kita na masaya ka sa pagtatagpo natin. Iyan ang bumungad sa aking pagdilat. Makita ko lamang iyon ay masaya na ako. Hindi na ako sumubok pang magtanong kung anong dahilan ng pagkaantala ng iyong pagdating. Nawala na lahat ng pag-a-agam-agam sa aking kalooban ng mapagtanto kong totoo ngang ika'y dumating at tumupad sa ating usapan. Dali dali tayong umalpas sa lugar na iyon upang muling pagsaluhan ang ating pag-ibig. Masayang masaya ako matapos iyon. Hindi ko na masalo ang umaapaw na kaligayahan na nanggagaling sa kaibuturan ng aking puso. Hindi mailalarawan ng kahit na sinong sikat na pintor sa buong mundo ang aking kasiyahan. Hindi maikukumpara sa kung ano ang yaman sa mundo ang nararamdaman ko. Hindi maitatatwang ang pag-ibig ko para sa iyo ay maihahalintulad sa karagatang kanina lamang ay pinagmamasdan ko pa. Tila ba walang katapusan.


Mahal kita. Yan ang mga katagang madalas kong marinig mula sayo magmula ng araw na iyon. Nakakatawa mang sabihin pero halos mawalan ako ng ulirat sa mgamatatamis mong salita. Kung makakain ko lamang ang mga iyon, malamang malala na ang kaso ko ng diabetes. Kulang na lamang ay araw arawin mo ang mga surpresa mo sakin. Sabay na tuwa at inggit ang naramdaman ng mga taong nakasaksi kung paano mo pintahan ng kulay pula ang buong mundo ko. Sa gitna ng mga umaga at gabi na ginawa ng Maykapal, hindi ka nagkulang sa pagpaparamdam sa akin kung gaano ako kaespesyal.

Feel na feel ko ang kahabaan ng aking buhok ng mga panahong iyon. Halos libutin nito ang buong EDSA. Hirap na hirap na nga akong itago ito sa sambayanan dahil ipinagsisigawan mo pa ang damdamin mo para sa akin. Sa bawat surpresa mong ibinibigay sa akin ay saksi ang mga taong nananahimik lang sa isang tabi. Kaya naman panay alaska ang inabot ko galing sa kanila.Pero sino ba ako para hindi kiligin? Kung alam mo lang kung paanong muntik ng lumabas sa rib cage ang aking puso sa tuwing gagawa ka ng eksena para sa akin. Taray ko diba? Ang ganda ko masyado. Sino ba ang mag-aakalang ang isang tulad mo ay magbibigay ng atensyon sa isang tulad ko. Wala diba. Oh well...

Ikaw na talaga ang para sa akin. Mga salitang tumimo na sa isipan ko sa araw araw. Naging masayahin ako ng sobra sobra dahil sa pagpuno mo ng mga magagandang ala-ala sa aking isipan. Mga ala-alang ni sa hinagap ay hindi ko naisip na mararanasan ng isang tulad ko. Kaya sinubok ko ang aking sarili at ang nararamdaman ko para sayo. Sino ba naman ang tatanggi pa sa mga perpektong bagay na inihahain na sa harapan mo? Too good to be true ika nga. Kaya habang nandyan pa, sumabay lang sa agos. Sino ba naman ako para hindi tanggapin ang mga biyayang ipinapadala sa akin ng kalangitan. Good catch na siya, mahal ko pa. San ka pa?


Bilog ang mundo. Biglang nagbago ang ihip ng hangin. Parang kailan lang at sinasamba ko ang mga bagay na ginawa mo para sa akin. Napakabilis ng mga pangyayari. Ngayon? Heto ako't lumuluha  dahil sa mga kasinungalingang ibinigay mo sa aking pagkatao. Isa isang nabunyag ang iyong mga lihim. Pinira-piraso sa aking harapan ang mga natatago mong hangarin kaya mo nagawa ang mga bagay na ni sa pelikula ay hindi naisakatuparan. Halos mabaliw ako sa pinagsama-samang lungkot, poot at panghihinayang na sabay sabay mong ipinalasap sa akin. Masakit. Sobrang sakit. Mabuti na lamang ay unti unti kong nabuo ulit ang aking pagkatao at natuto ng isang bagay na alam kong makakatulong sa muli kong pagbangon at pakikipagsapalaran.


Punong puno ng kasinungalingan ang mundo.


Hindi bughaw ang karagatan. Dala lamang ito ng repleksyon ng langit.


Hindi buo ang iyong ngiti sa piling ko. Magaling ka lang magtago sa likod ng iyong mga ngiti ngunit kita sa iyong mukha ang isang emosyong me dala dala palang masamang hangarin.


Hindi mo ako mahal. Ginawa mo lamang iyong maskara sa mga lihim mong atake para makuha ang loob ko at maisakatuparan ang maitim mong balak.


Hindi humaba ang buhok ko. Isa lamang iyon sa mga dinulot ng imahinasyon ko katulad din ng mga pangakong binitawan mo sa akin na ngayon ay nabubuhay na lamang sa aking mga pangarap.


Hindi ikaw ang para sa akin. Hindi ba obvious? Pero alam kong nariyan lamang ang "tamang siya" sa malapit at hinihintay na lamang ang tamang tiyempo.


At lalong hindi bilog ang mundo. Katulad din nito ang hugis ng buhay ng isang tao. Hindi perpekto. 

Puno ng kabalintunaan. 

Puno ng pandaraya. 

Puno ng panloloko. 

Puno ng kasinungalingan. 

At sa lahat ng nangyari, uulitin ko, iisa lamang ang natutunan ko. 

Puno ng kasinungalingan ang mundo. 

Lies are everywhere.


So beware.