Nagaway na naman kami ng tatay ko kagabi. Well, what's new with that? Oo nga naman. Ano nga naman ang bago dun. Eh halos araw araw naman kaming nagaaway. Wala lang, gusto ko lang ikuwento. Gusto ko lang maglabas ng saloobin ko. At siyempre gusto ko ding magsorry.
Hindi ako sigurado sa kung anong pinagmulan ng matagal na naming alitan ng aking ama. Pero sigurado ako na hindi tatagal ang away namin ng ganito kung sa akin nagsimula ang sama ng loob. Dahil kung ako man ang may kasalanan, noon at noon ding araw na iyon eh marerealize ko ang pagkakamali ko at hindi ako magtatanim ng sama ng loob sa tatay ko. Katulad na lang ng nangyayari sa amin ng nanay ko. Kahit palagi kaming nagaaway ay parang wala lang nangyari pag nagkabati na kame. Hindi katulad ng nangyayari sa amin ng tatay ko na lalong lumalala ang alitan namin sa tuwing nagkakaron kame ng diskusyong mag ama.
Ewan ko ba sa sarili ko. Masyado akong naniniwala sa 'equal rights' kaya kahit pamilya ko inaaway ko para lang mapatunayan yung bagay na yun. Hindi talaga ako magpapatalo kapag alam kong tama ako. I never tend to give up on a discussion kung alam ko na wala naman talaga sa katwiran yung kausap ko. Ganyan ako. Pero sa bahay lang. Grrrr. Ewan ko ba. Nagiging ibang tao talaga ako kapag nasa bahay ako. Nagiging masamang tao talaga ako. Kaya nga wala akong kasundo sa bahay eh. Super maiinitin ng ulo ko kapag nasa bahay ako. Kaya nga mas gusto ko pang umalis kesa magstay sa bahay eh dahil alam ko na hindi lilipas ang araw na wala akong makakaaway sa kanila. Ganyan ako kasama sa bahay at hindi ko alam kung bakit. Hay. Alam kong mali ang sumagot sa magulang pero dahil sa punyetang konsepto na iyan na hindi ko talaga maialis sa sistema ko, nasisira na talaga ang relasyon ko sa pamilya ko.
Napakasakit para sa akin ng mga salitang binibitawan ni tatay kapag nagaaway kame. Nariyan na sinasabe niya na umalis na ako sa bahay namin, wala naman daw akong kwentang anak. Minsan sinabi din niya na sana hindi na lang ako pinanganak. Kagabi, sinabi din niya na sagad hanggang buto yung galit niya sa akin. Sinabi niya rin na ako na ang pinakawalanghiyang anak sa mundo. Pero ang pinakamasaklap na narinig ko buhat sa kanya eh yung sana mamatay na daw ako. Hindi ko alam kung nasabi niya lang yung mga bagay na yun dahil galit siya o talgang mean niya talagang sabihin yun. Ako naman, nuong una eh puro iyak lang ang ginawa ko pero nang lumaon eh sumagot sagot na ako. Either vocal o sa isip lamang. Yung mga mabibigat na bagay ay sinasarili ko na lamang. Tulad ng mga sagot ko sa mga masasakit na sinabi niya sa akin. Iniisip ko na oo talaga, aalis ako dito sa bahay no. Bakit sa tingin niyo ba gusto ko kayong kasama. Kagabi, nung sinabi niya na sagad sa buto yung galit niya sa akin. Sumagot ako ng same here. Nasaktan ako ng sobra nung sinabi niya na ako na ang pinakawalanghiyang anak sa mundo. Pero mas hindi ko kinaya yung sinabi niyang sana mamatay na daw ako.
Yang statement niya na yan sa akin ang tila baga'y nagpahinto ng mundo ko nung panahong yon. Yan ang nagparealize sa akin na ibang level na talaga ang pagkamuhi sa akin ni tatay. Yan ang sinabi niya sa akin na wala akong maisagot kundi ang iwanan siya at maghanap ng lugar kung saan ako pwedeng umiyak ng umiyak. Hindi ko inaasahang maririnig ko yung mga katagang yun galing sa kanya. Magang maga ang mata ko matapos ang gabing iyon. Iniyak ko na ang lahat ng pwede kong iiyak. Pero nagtataka ako sa sarili ko dahil wala akong maisagot sa tatay ko nung time na yun. Hindi ko masabi ni maisip na kung ako hinihiling niyang mamatay, bakit siya hindi ko din hilingin na mamatay. Doon ko narealize na me natitira pa din akong respeto sa kanya at takot sa Diyos nung time na yun. Never in my life na hihilingin ko ang bagay na yun. Hinding hindi ko gugustuhing mangyari yun sa kabila ng mga away naming dalawa. Dahil alam ko na deep within our hearts ay nanduon pa rin ang kapatawaran namin para sa isa't isa na alam ko na imposibleng maibigay namin sa isa't isa ngayong mga panahong ito. Masyado pang sariwa ang mga sugat upang gamutin. Maybe someday. I know there will come a time na maibibigay namin yun sa isa't isa.
Hindi man malinaw sa akin kung ano ang ugat ng alitan naming mag-ama, alam ko na malaking factor ang pagiging bading ko. Hindi ko naman yun maiaalis sa kanya. Kaya nga ginagawa ko ang lahat para dumating ang araw na mapalitan ang pandidiri niya sa akin ng pagmamalaki. Pero habang tinutupad ko ang pangarap kong yun, lalo naman kaming lumalayo sa isa't isa. Ayaw ko man siyang sumbatan pero lagi ko pa ding iniisip kung bakit ba ganun ang mundo sa mga katulad ko. Akala ba nila masayang maging ganito? Akala ba nila, me mga benepisyo kaming nakukuha sa pagiging ganito? Kung alam lang nila yung hirap na dinaranas ng mga katulad ko. Kung alam lang nila. Kung pwede nga lang na sa isang iglap eh maging straight ako, I'll risk it, makaiwas lang sa hirap na dinaranas ko.
Nakakatawa lang dahil kagabi, habang nakasakay ako sa isa sa mga tren ng LRT, iniimagine ko kung anong magiging buhay namin kapag natupad na ang mga pangarap ko. Yung magkaron kami ng mansyon at magarang kotse. Ansaya saya pa namin sa imagination ko. Iniisip ko pa kung paano yung magiging partition ng bahay, kung paano kami magkakasya sa kotse, kung anung magiging schedule ng mga ulam namin. Lol. Natutuwa talaga ako sa pangarap kong yun na hindi ko akalain na masisira dahil sa pagiging masama kong anak.
Mahilig kasing magcomment si tatay sa kung anu mang topic sa TV, sa radyo or even sa bahay lang. And I'm really concerned sa mga binibitawan niyang mga pangungusap na karamihan eh me mura talaga. Hindi ko pinapasama ang image ng tatay ko pero magmumukha akong abnormal kung hindi ko sasabihin yun kase nga bumulong ako kagabi sa isa sa mga sinabi niya which caused him to outrage. At yun nga, nagaway na naman kami ng bonggang bongga.
Oo na, aaminin ko na na kasalanan ko naman talaga. Pero I think mali naman na lagi na lamang ganun ang mga mangyayari. Oo nga't kasalanan ko at gusto ko ng baguhin yung attitude ko na ganun pero kung ako lang ang magbabago, parang wala rin namang saysay ang magiging outcome nun kung ganun at ganun pa din si tatay. Gusto ko sana ay sabay sabay kaming magbabago ng mga masama naming gawi para sa ikabubuti naming lahat. Ok, mukhang malabo ang gusto ko pero kung susubukan kong magbago pero ganun pa din silang lahat, para bang mapipilitan pa din akong bumalik sa mga masama kong ugali. Mahirap mang intindihin ang gusto pero I'm assuring you na kung ano man ang nais ko eh makakabuti para sa lahat ng tao. Mahirap nga lang isabuhay.
Kung me kakilala man ako na makakapagbasa nito, alam kong magbabago ang tingin nila sa akin. At maiintindihan ko yun. Oo, Masama akong tao. Masama akong anak, masama akong kapatid. Pero mabuti akong kaibigan. And I'm really trying my best para mapabuti pa kung sino man ang Marvin na kilala niyo ngayon. Nahihirapan lang talaga ako dahil na rin sa bugso ng mga pangyayari. Pero umaasa pa din ako na mapapatawad nila ako at sabay sabay naming haharapin ang pagbabagong nais ko. At maisasayaw ko ang tatay ko kasama ang iba ko pang kapamilya balang araw, balang araw.
Ingat, Godbless. :-)