Powered By Blogger

Friday, May 27, 2011

Karma

Natatandaan ko pa noon. Halos isumpa ko ang pag-ibig dahil sa pagkasira ng pamilya ko. Nagtatanong ako sa kawalan kung sino ba ang nag-imbento ng punyetang bagay na iyon at kung bakit naisipan niyang ihalo iyon sa mga kakaiba pang mga bagay na umiikot sa sangkatauhan. Nagtataka ako kung bakit kinailangan pang isama ito sa buhay ng mga nakatira sa sansinukob. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang may kaakibat na sakit ang bagay na iyon. Naguguluhan ako sa kung anong purpose nito sa ating buhay. Kung hindi ba pwedeng uminog ang mundo at magpatuloy ang buhay ng tao sa kabila ng kawalan nito. Nagaalinlangan ako sa kotasyon na "Love makes the world go round". Taray! Gravitational pull ba galing sa araw ang love?! Malamang ay may nakarinig ng mga katanungan at kaguluhan sa aking pagiisip kaya naman isang araw ay nangyari ang isang bagay na ni sa hinagap ay di ko inasahan.

Natatandaan ko pa noon. Una kitang nakita sa hallway ng campus. Dala ng iyong mukha ang isang salbaheng ngiti na nakaukol sa akin. Halos himatayin ako sa kilig that time. Nagtinginan tayo hanggang makalampas tayo sa isa't isa. Ngunit tila hindi ko kayang bumitaw sa pagkakatingin ko sa iyo. Halos magkandabali ang leeg ko masundan ka lamang ng tingin. Ilang segundo rin akong nasa ganung posisyon ng matigil ang pagkatulala ko nang pumasok ka na sa isang kwarto. Grabe ang moment na iyon. I asked myself ng isang cliche: "Ito na ba ang sinasabi nilang pag-ibig?". Isa ka sa mga naging inspirasyon ko sa aking pag-aaral. Wala man tayong communication, sapat na ang malagkit nating tinginan na patunay sa tunay nating nararamdaman. Mukha man akong tanga, araw araw akong sumasaglit sa harap ng kwartong pinasukan mo para magbaka-sakaling  makita kitang muli. Binaba ko ang lebel ng aking pagkatao dahil sayo. Masasabing espesyal ka para sa akin dahil sa realisasyong iyon.  Biglang nawala ang mga katanungan at kaguluhan sa isip ko. Hindi ko man aminin eh talagang napahiya ako sa aking sarili. Ang mga pangyayari na mismo ang sumagot sa mga katanungan at kaguluhan sa aking isipan.  


Natatandaan ko pa noon. Lumapit ka sa akin at nagpakilala ng pormal. Abot langit ang ngiti ko ng ibigay ang aking pangalan at numero. Halos araw araw tayong magka-usap noon. Isang araw na lamang ay inaya mo akong lumabas. Siyempre pa ay pumayag ako. Sobra sobrang kaba ang naramdaman ko habang hinihintay kang sunduin ako. At nang dumating ka, isang dream come true ang naganap. Kumain tayo sa isang restaurant. Hindi ko akalaing ikaw pa ang makakasama ko sa pagkain sa lugar na iyon. Napaka-romantic ng ambience. Talagang iyon ay para sa mga taong pinagdugtong ang mga puso. Naging tahimik ang ating buong pagkain sa lugar na iyon. Nagulat na lamang ako ng hinawakan mo ang aking mga kamay. Tinitigan mo ako sa aking mga mata at sinabi mong mahal mo ako. Halos lumundag ako sa kilig ng mga oras na iyon. Hindi mo rin napigilang itanong kung mutual ba ang nararamdaman natin. Hindi na ako nagpatumpik tumpik pa at sinagot ka agad. Magkahawak kamay nating nilisan ang restaurant habang kumakanta sa isipan ko ang The Carpenters ng "Why do birds suddenly appear, every time you are near...".


Natatandaan ko pa noon. Naging masaya ang mga unang lingo ng ating pagiging magkarelasyon. Araw araw tayong nagkikita. Kung hindi man tayo magkasama ay siguradong kinukumusta natin ang isa't isa. Masayang masaya ako ng mga panahong iyon. Walang pagsidlan ang aking kaligayahan. Sabi nga nila, "Dreams do come true". At iyan ang nangyari sa akin. Kung dati ay pinapangarap lamang kita, ngayon ay abot kamay na kita. Kaya naman pansin na pansin ang mga positibong pagbabago sa akin. Ngunit tulad din ng mga sinasabi nila, "Things will change eventually". At nangyari sa atin yan makalipas ang ilang araw. Hindi ka na tumatawag at nagtetext. Hindi ka rin na sumasagot sa mga tawag at text ko. Hindi ko din alam kung saan ka nakatira kaya wala talaga akong alam na paraan kung paano ka kakausapin. Puno ako ng pagtataka noon.


Natatandaan ko pa noon. Lumipas ang ilang linggo ng wala tayong komunikasyon. Tinanggap ko na ang katotohanan na iniwan mo na ako. Patatawarin na sana kita sa kasalanang hindi ka man lamang nagpaalam sa akin ng maayos ng may matanggap akong sulat mula sa iyo. Lumuluha at nanghihina akong napaupo matapos basahin ang sulat. Kaya pala. Kaya pala hindi ka nagpaalam. Napakasama ng ginawa mo sa akin. Sinabi mo sa sulat na pinagpustahan niyo lang pala ako ng barkada mo. Grabe ka. At sinabi mo pa na kaya ka nawala ay nagbakasyon ka pala gamit ang perang napanalunan mo sa pustahan. At pinamukha mo pa sa akin ang naging bunga ng kawalanghiyaan mo. Hindi ko na binalak pang maghiganti sa iyo. I know it's not worth it. "Vengeance will never take away the pain".


Natatandaan ko pa noon. Nakangisi ka pa din sa tuwing magkakasalubong tayo. Siguro ngayon, ang ngising yan ang tropeo mo sa panloloko sa akin. Deadma na lang kunwari ako pero pag nakalampas na tayo sa isa't isa, palaging nakahanda na ang panyo ko sa aking kamay. Masakit pa rin sa akin ang nangyari pero pilit kong kinakalimutan. I truly believe that "Life's like a wheel". Ilang beses ko ng napatunayan iyan. At iniadya ng Maykapal ng isama ka sa mga proofs ko. Nabalitaan ko na lamang isang araw ang sunod sunod na mga negatibong nangyari sa iyo. Bumagsak ka daw sa ilan sa mga subjects mo dahil sa pagsama sa mga kaibigan mong hindi mahilig pumasok sa klase. Nalulong ka pa sa masamang bisyo. At ngayon ay isa na lamang tambay. Ako naman, naging masigasig sa pag-aaral at nakakilala ng isang taong alam ko na magmamahal sa akin ng tapat at hindi gagawin ang bagay na ginawa mo sa akin noon. Alam ng Diyos na hindi ko hiniling ang lahat ng nangyari sa iyo. Matagal ko ng sinimulan na patawarin ka. Hindi man ako labis na natutuwa sa kinahantungan mo, napalagay na din ako. At least, assured ako. The wheel of fortune is really turning. Karma's a bitch... and so are we.