Dear Marvin1,
Bakit ganyan ka? Hindi ka ba naaawa sa iyong sarili? Bakit kailangan mong magpakababa para sa kanila? Bakit kailangan mong ipagpilitan ang sarili mo sa kanila? Wala ka na bang pride? Wala ka na bang pagpapahalaga sa sarili mong dangal?
Hindi mo man lang ba naisip na wala namang patutunguhan ang mga ginagawa mong paglapit sa kanila? Bigyan mo naman ng kahihiyan ang sarili mo. Paano na lamang kapag nalaman ng ibang tao ang mga pinaggagagawa mo? Ano na lamang ang iisipin nila sayo? Na ang isang Marvin1 na hinahangaan ng ibang tao, nagpapakatanga lang pala sa mga taong ayaw naman sa kanya. O common, you'll be so pathetic in their eyes. Gusto mo ba yun?
Baguhin mo na yan Marvin1. Maawa ka naman sa sarili mo. Isipin mo na lang ang sasabihin ng ibang tao. Ayaw mo pa namang napupulaan ka hindi ba? Hangga't kaya mo pa, magbago ka na. Mas mahihirapan ka lamang kung hindi mo maiwawaksi yan sa sistema mo.
Para sa iyo din naman ang sinasabi ko. Sino pa bang magtutulungan kung hindi tayo tayo din. Naiintindihan kita Marvin1 pero sinasabi ko sa iyo ito para hindi ka na umabot sa hangganan mo. Mas lalo ka lang mahihirapan Marvin1, mas lalo ka lang mahihirapan.
Sana Marvin maging tama ang mga magiging desisyon mo sa buhay. Nandito lamang ako para sa iyo. :-)
Nagmamahal,
Marvin2
____________________
Dear Marvin2,
Unang una sa lahat, maraming maraming salamat sa sulat mo. Isa ka talagang mabuting kaibigan. Bilang tugon, narito ang mga saloobin at sagot ko sa mga tanong mo sa ipinadala mong sulat.
Sa totoo lang, lungkot na lungkot ako sa mga nangyayari sa buhay ko. Unang una sa lahat, gusto kong malaman mo na hindi ko naman ginusto ang mga nagaganap sa akin. Awang awa na ako sa sarili sa totoo lang. Hindi ko din alam kung bakit ko ginagawa ito. Kung bakit kailangan kong magpakababa para sa kanila. Para sa kanila na ni minsan ay hindi yumuko para tignan ang pagpapakababa ko. Hindi ko pinagpipilitan ang sarili ko sa kanila. Alam nila yan. Alam naman nila na ang tanging gusto ko ay pakikipagkaibigan lamang. Bokal din ako sa damdamin ko na kung hindi nila ako gustong maging kaibigan, ok lang. Bukas na bukas ako sa posibilidad na iyon. Pero wala ni isa sa kanila ang nagsabi. Kaya bilang ang tangang ako, umaasa pa din ako na isang araw, pagbibigyan nila ang pakiusap ko. Hindi ko alam kung saan na napunta ang pinakaiingatan kong pride. Hindi ko maintindihan sa sarili ko iung bakit pagdating sa kanila, nauubos ang paggalang ko sa sarili ko.
Kung alam mo lang Marvin2 kung papaanong kinukumbinsi ko ang sarili ko sa katotohanang walang patutunguhan ang mga ginagawa ko. Pero hindi ko pa din alam kung bakit paulit ulit ko pa ding ginagawa. Alam na alam ko na kung anong tingin nila sa akin. At tanggap ko yun. Pero sa tuwing naiisip ko ang bagay na yon, lalo akong napapaisip kung ano kayang tumatakbo sa kanilang mga isipan. Kung bakit hindi nila ako mapagbigyan sa simple kong kahilingan. Kung bakit ansungit nila sa akin. Kung bakit andamot damot nila. Kung alam mo lang kung gaanong awa ang nararamdaman ko para sa sarili ko Marvin2. Isang klase ito ng awa na dumating sa punto na lagi kong hinihiling sa Panginoon na sana'y huwag na itong maranasan ng ibang tao. Na sa akin na lamang ito mangyari. Sobrang hirap Marvin2. Sobrang hirap. Ilang unan na rin ang nabasa ko dahil sa magdamagang pagluha sa loob ng ilang taon. matinding depresyon iyon para sa akin.
Kung iyong mapapansin, karamihan ng mga sagot ko sa iyong mga tanong ay "hindi ko alam".Siguro nga ganyan talaga ang pagmamahal. Walang tamang dahilan. Walang tamang sagot sa mga tanong. Umiikot lamang ito sa mga konsepto at paniniwala sa pagitan ng mga taong kasali sa sirkulo ng damdaming iyon.
Maraming salamat sa iyong pagaalala Marvin2. Tama ka, tayo tayo lang din naman ang magtutulungan. Hayaan mo, ibibigay ko ang lahat ng aking makakaya para mabago ang aking sarili. Nakakasawa at nakakapagod na rin kase.Siguro nga ito na ang tamang panahon para mag move-on. Tignan na lamang natin ang kalalabasan nito. Goodluck sa ating dalawa. :-)
Salamat,
Marvin1