Powered By Blogger

Monday, May 23, 2011

Phobia

Kung may kinatatakutan man ako sa mundong ito, masasabi kong sa dalawang bagay lamang yan; sa pag-ibig at sa ipis. Hindi ka nagkakamali ng pagkakabasa. Matuwa ka na. At least, hindi pa malabo ang mga mata mo. Hindi ko din alam kung bakit sa dinami dami  ng mga bagay na inilagay ng Diyos sa mundong ito, diyan sa dalawang bagay pa na yan ako nagkaroon ng katakot takot na takot. Weird.

Naalala ko pa noon; nasa iskwelahan ako. Tinatalakay ng Physics professor ko ng mga oras na iyon ang Three Laws of Motion ni Newton. Nakikinig ako sa kanya noon ng sobra. Oo na. Ako na ang studious at grade conscious. Nagulat na lamang ako ng me isang munting nilalang ang lumilipad na pala papunta sa aking direksyon. Abot abot na kaba ang naramdaman ko noon. Grabe. Para akong ipinako sa aking kinauupuan. Hindi ako makagalaw. Walang biro. Nawala ang pagkamanhid ng katawan ko ng maramdaman kong nag-landing na pala ang isinumpa kong hayop, hulaan niyo kung saan, sa gitna pa mismo ng aking mukha. Kitang kita ng aking mga mata kung paano pa ito naglaro sa aking ilong. Grabe. Halos himatayin ako ng mga oras na iyon. Tila naman kusang nakisama ang lalamunan ko at lumabas mula dito ang isang sigaw na noon ko lang ata napakawalan sa buong buhay ko. Nagulat siyempre ang buong klase sa ginawa ko. Pinuno ng kantiyaw ang buong klase dahil sa nangyari. Tawa sila ng tawa sa akin. At siyempre, isang napakahabang litanya ang pinakawalan ng aking prof matapos ang nangyari. Ipinasok ko na lang iyon sa aking isang tenga at inilabas sa isa pa. Natatawa na lang din ako sa aking sarili. Nakakahiya kase. Talagang nakakahiya.

Pagdating naman sa pangalawang bagay na kinatatakutan ko, masasabi ko na hindi ako papasok sa kategorya ng pagiging weirdo. Madami akong kasama sa grupo ng mga taong takot sa pag-ibig. Aminin! Sa totoo lang, hindi naman sa pag-ibig ako natatakot kundi sa sakit na maaaring kaakibat nito. Sino ba namang gustong masaktan diba? Mabuti na nga lamang at sa edad kong ito eh hindi pa inaadya ng langit na maramdaman ko yun kundi eh malamang hindi ko na alam ang gagawin ko. Kahit kase alam ko na me kaakibat din naman ang mahiwagang bagay na ito na kasiyahan, mas nangingibabaw sakin ang takot. Isa sa mga nagpapalala ng aking pangamba ang hindi rin iilan na mga kaso ng pagkabigo dito na aking nasaksihan. Nalulungkot ako't nagtataka kung bakit kailangan pa yung mangyari sa kanila. Kung bakit dati, tila nasa alapaap sila sa tuwing sila ay magkasama. Yung tipong akala mo sila lang ang tao sa mundo tapos ngayon animo'y hindi na sila magkakilala. Pahabol lang, masama pa ang loob sa isa't isa.

Kagagaling ko lang sa eskwelahan ng araw na iyon ng mangyari ang isang pangyayari na maghahatid sa isa pang kinatatakutan ko. Palasak mang sabihin pero literal na bumagal ang pagtakbo ng kamay ng orasan noon. Masaya ako ng mapagtanto ko na kalapit bahay ko lamang pala siya. Naging masigla ako ng mga sumunod na araw. Hindi ko nga namamalayang lagi na pala akong nakangiti kahit saan ako magpunta. Napansin lang ng aking mga kaibigan. Halos mawalan ako ng ulirat ng isang araw ay magpakilala siya sa akin. Hindi ko maipaliwanag ang aking naramdaman. Lalo pang nanghina ang mga tuhod ko ng yayain niya akong magmeryenda. Epic moment, ika nga nila. Marami kaming napagkwentuhan habang kumakain. Hindi ko man aminin ngunit masasabi kong hindi ko maikakaila ang kasiyahan sa mukha ko ng mga oras na iyon. At doon nagsimula ang aming pagkakaibigan. Sino ba ang nagsabing nakakatakot ang umibig? Sino??? Sabihin niyo't sasabihin ko sa kanya na sinungaling siya. Haha.

Dumaan ang mga araw at lalo kaming napalapit sa isa't isa. Halos kaming dalawa na lamang ang magkasama sa lahat ng oras lalo na kapag walang pasok sa eskwela. Umaalis kami ng kaming dalawa lang. Nag-uusap ng mga personal na bagay. Nagtutulungan sa lahat ng bagay. Habang dumadaan ang mga araw, lalong lumalalim ang nararamdaman ko para sa kanya. Ngunit hindi ko alam kung ganoon din siya sa akin. Siguro yung sinasabi nilang oras kung saan mararamdaman mo yung sakit eh isa na dito yung kapag hindi tinanggap ng taong mahal mo yung pagmamahal na inaalay mo para sa kanya. Ngunit hindi pa ako handa sa ganoong sakit kaya naman wala pa akong balak sabihin sa kanya. Sumabay sa daloy. Yan ang ginagawa ko muna.

Isang hapon iyon. Naghihintay ako sa aming laging tagpuan sa tuwing kami'y me lakad. Pinaghahandaan ko lagi ang araw sa tuwing aalis kame. Palagi kong inilalabas ang kung anung maganda sa akin.Magandang damit, mabangong pabango, maayos na porma. Kaya naman maraming nagdadaan ang napapalingon sa akin. Pero wala akong pakeilam. Ang ayos ko na iyon ay para sa kanya lamang. Tumingin ako sa orasan dahil ilang minuto na siyang late. Maya maya pa'y may naramdaman ako sa aking balikat. Ang munting kulay pulang nilalang, nariyan na naman. Kasabay ng pagkagulat ko ang paglabas niya mula sa aking likuran. Tumatawa siya ng parang wala ng bukas. Hindi ko napigilang sumigaw. Hindi ko napansing napayakap na pala ako sa kanya ng hindi sinasadya. Namumula akong kumalas. Pareho kaming napahiya sa nangyari at natahimik pagkatapos. Dinaan ko na lamang sa kunwaring pagka-inis ang nangyari. Ngunit hindi noon natabunan ang kung anong tensyon ang namamayani ng mga oras na iyon. Nabingi ako sa mga sumunod niyang ikinilos at sinabi. Hinawakan niya ang aking mga kamay at sinabi ang three magical ang wonderful words. Hindi ko alam ang isasagot ko kaya ang pagkilos ko ang ginawa kong pang-responde. Hindi na kinailangan ang mga salita. Ngumiti ako at hinawakan ng mahigpit ang kanyang mga kamay. Magkahawak-kamay naming nilakad ang aming patutunguhan. Batid na namin noong mga panahong iyon na pareho kaming napupuno ng saya. May napagtanto ako ng mga oras na iyon. Nagpapasalamat ako sa ipis na iyon dahil kung hindi sa kanya eh hindi ko mararanasan ang bagay na lubos palang magpapaligaya sa akin. Sabay na nawala ang phobia ko sa dalawang bagay na lubos kong kinakatakutan noon. I hit two birds with one stone. Amazing!

2 comments:

  1. wow nainlab ka na pala.. buti ka pa!!!!

    ReplyDelete
  2. Gaga! Fiction yan! Hahaha. Pero, yep, nain-love na din ako. Pero hindi happy ending katulad niyan. Hahaha

    ReplyDelete